Spilled / unsent letters

Landing

“Ma’am, papirma nalang po sa may banda dito.”

Inabot ko sabay hablot ng bolpen ko sa bulsa ko, pero nung pumirma na ako, halos wala nang maibuga. Mawawalan na pala ito ng tinta.

Naghanapan pa tuloy kami ni manong. Sa bulsa niya, sa drawer ko, kahit sa table ng graphic designer naming kaaalis lang papuntang Hong Kong para magbakasyon, wala!

“Ayos lang ba kung green nalang ipang-pirma ko?”

“Ayos lang po, ma’am. Mas okay nga ‘yon di’ba. Mas masaya! Kesa do’n sa itim, malungkot na nga naghihingalo pa.”

Natawa ako habang binibigyan siya ng autograph. Ha! Biro lang. Habang pumipirma pala.

pen image

Nang umalis siya, takang taka ako sa sarili ko kung bakit biglang mawawalan na ng tinta ang bolpen ko. Kadalasan naman may refill ako. Saka, kailan lang naman ‘to nabigay sa akin, ah? Gano’n na ba karami ang naisulat ko gamit nito?

***

Nagising ako kanina ng makulimlim. Pero ang nakakatawa nito, may nakasilip namang araw. Sabagay, mas okay na ‘yon!

Hindi kumpleto ang tulog ko pero ayos naman ang pakiramdam ko. Alam kong marami na namang trabahong bubungad sa akin, marami na namang istoryang kakatayin at bubutasan, pagkatapos ipapasulat muli. Pero ayos lang, kaya ko naman.

Maraming chenang daraanan, pero wala naman akong hanash.

Naisip ko, siguro ito na ‘yung matagal ko nang hinihintay. ‘Yung maging payapa ang puso ko.

Sabi nila, sa payapang inaasam mo, hindi mawawala ang pagmamahal.

At hindi rin basta mawawala ang sakit.

Pero payapa ka na, kaya’t kayang kaya mo nang tumayo. Kaya mo nang bumangon ng hindi nakasimangot, hindi umiiyak.

Wala kang galit, kaya payapa ka na.

Tanong ko dati, gaano kahaba ang daan tungo sa kapayapaang hinihiling ng puso ko? Trapik ba kako. Inip na inip ako sa usad ko.

Pero parang sa eroplano lang, na nag-aabiso ang piloto ‘pag papalapag na ito.

“Ladies and gentlemen, we’re now preparing for landing.”

Eto na, lalapag na ako.

May jetlag pagkatapos, pero mawawala rin naman iyon. Ang importante, lalapag na ang eroplanong sumalo sa’yo nang maiwan ka sa ere.

Ay wow??

De, pero payapa ang puso ko ngayong papalapag na ako. Alam ko kasi, siguradong sigurado ako, na naiwan man ako sa ere, hindi ako umuwing talunan.

Hindi ako ang nawalan.

At kung may talo rito, sigurado na akong hindi ako ‘yon, dahil ako, makakalapag na ako.

Dahil nabigo man, pinili kong mabuhay.
Dahil nasaktan man, pinili kong magpatawad.
Dahil nahilo man, pinili kong gumaling.
Dahil natisod man, pinili kong bumangon.

Hindi ako naging bato.
At lalong hindi ako naging katulad mo.

Kaya hindi ako ang natalo rito. Dahil lalapag na ako.

At kayang kaya kong magmahal at mabuhay muli, dahil hindi ako ang natalo.

***

Ayos ang lahat sa trabaho. Masakit sa ulo, nauubusan na akong Ingles, mga anim na storya pa ang kailangan kong suriin.

Dumating si manong na taga-LBC. May dala na namang panibagong tatrabahuhin ko na nagmula pa sa Mindanao. Nakakaloka, manong. Sa dalas mo sa amin feeling ko BFF na tayo!

Pero bakit ngayon wala kang bolpen?

At ako naman, mawawalan na rin ng bolpen. Naghihingalo na, kahit pirma ko lang ‘di na niya mabuo. Paubos na ang laman nito.

Paubos na ang tinta ko.

Oo nga, langhiya. Sa wakas, paubos na ang tinta ko.

Hiyang hiya ang pinagsamang dalawang librong inilimbag ni Juan Miguel Severo sa dami ng naisulat ko gamit ang panulat na ‘yon, ah. Pinagkakitaan ko man lang sana.

Pero ‘wag na. Madami pa namang ibang pwedeng panulat dito. Sabi nga ni manong, ‘yung green daw masaya.

Do’n tayo sa masaya.

Sa payapa.
Sa may araw na nakasilip kahit makulimlim.
Sa maraming trabaho pero kakayanin.

Payapa na ang puso ko.

At paubos na rin ang tinta ko. Sa wakas.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s