Spilled

Delikado

Dapain talaga ako nung bata ako.

Bawat linggo yata, may bago akong gasgas. Minsan kaka-takbo. Minsan kaka-bisikleta. Minsan kaka-akyat ng puno, o kahit ng simpleng hagdan.

Sabi ng nanay ko, nadala ko daw ‘yon sa pagtanda. Totoo naman, kasi kahit bente-dos anyos na ko, lagi pa din akong nadadapa. Lapitin din ako ng aksidente. Nabubundol, nadudulas, nalalaglag, napapatid, natatapilok, nababaldog. Lahat yata nangyari na. Hindi na ako takot masugatan, at ‘di rin ako takot sa dugo.

Sabi rin ng tatay ko, mas mainam ‘pag nagdurugo ang sugat.

2010 yata ‘yon no’ng mabaldog ang ulo ko sa bakal na headboard ng kama ko. ‘Wag nyo na tanungin ba’t nangyari, kasi katangahan lang talaga. Masakit ha. Seryoso. Sa lahat ng untog ko, ‘don lang yata ako nagblack-out tapos naluha.

Nadinig nila sa kabilang kwarto ‘yung nangyari, kaya dali nila akong pinuntahan. Masakit, at hilo-hilo pa ko, pero sabi ko sa kanila habang hawak-hawak ang bumbunan ko, “Ayos lang ako. Walang sugat, pramis.”

Nagkatinginan lang ang nanay at tatay ko. Alam nilang nasaktan ako, dahil hindi din ako makadilat. Pero wala namang dugo, di’ba? Ayos lang ako.

“Ihahanda ko ‘yung kotse, bihisan mo ‘yan,” sambit ng tatay ko sa nanay kong nag-panic na.

Teka, bakit? Saan pupunta? Sa ospital? Eh wala ngang dugo! Walang sugat. Walang bukol. Anong gagamutin nila sa akin?

“Anak, mas delikadong hindi ‘yan pumutok. O dumugo. O sumugat.”

“Bakit?”

Wala akong nagawa. Ayaw nila akong makatulog hanggang sa nasa makarating kami sa emergency room. Nadidinig ko sila habang nag-uusap.

“Dahil ‘di dumugo sa labas, kailangan natin masiguro na hindi din dumugo sa loob,” paliwanag ni doktora. “Kasi kung sa loob nagdudugo ‘yan, eh wala tayong magagawa, baka operahan natin ‘yan.”

Mas delikado pala ‘yon.

Bigla bang naka-linya lahat ng gagawin sa akin. Gusto nila ako i-xray, i-CT scan, at ‘wag patulugin magdamag dahil suspected internal hemorrhage daw.

But to cut the story short, buhay pa naman ako ngayon. Pero isa lang ang natutunan ko sa pangyayaring ‘yon: may mga sugat at sakit palang mas mainam kung nakikita mong nagdurugo.

Kanina, sa kwarto ko at sa maulang hapon kasama ng mga natuklasan at nadinig ko, hinintay kong magdugo ang mga sugat ko.

Hintay ako ng hintay. Kahit konti lang, basta maka-aray lang.

Dumating ang gabi, pero hindi ang pagdugo at pag-aray na hinihintay ko.

Kakahintay ko, napanuod tuloy ako ng replay ng Encantadia, at may linyang sinabi si Alena:

“Pinapakawalan na kita, Ybarro. Hindi ko na nais ikulong ka pa sa pagmamahal na hindi mo naman gusto.”

Iiyak dapat ako. Dahil iniyakan ko na ‘to dati, kahit hindi naman ito ang sitwasyon ko noon. Iiyak ako, katulad ng pagluha ni Alena nang datnang naluluha din si Ybarro. Hindi ko sila gusto, pero dapat umiiyak ako.

Ako ‘to. Eksena ko din ‘to. Sugat ko din ‘yon. Dapat umiiyak na ako.

Pero bakit hindi? Bakit walang luha. Bakit walang dugo. Nasasaktan ako. Nalulungkot ako, pero bakit ganon?

Posible pala ‘yon, ‘yung nakaupo ka lang sa sahig ng kwarto mo pero wala kang ginagawa. Wala kang maramdamang kahit ano.

Desperado na kong makaramdam man lang ng kahit ano. Kahit sakit. Kahit pait. Kahit galit. Naghihintay ako.

Kaso wala.

‘Don ko lang napagtanto, ang pinaka nakakalungkot na sugat ay hindi pala ‘yung ikahahagulgol mo, o ikauubos ng luha mo, kundi ang sugat na kahit anong piga mo, walang dugo.

May butas. May sira. May sakit pero walang luha. May sugat, pero walang dugo.

Paano gagaling kung walang dugo?

Mas delikado pala ‘yon. Sabi nga nila, ‘pag ba di na nagdurugo, buhay ka pa ba talaga?

Pwede bang magalit nalang? Pagbibigyan ko lang siya, tutal sabi nya, “Magalit ka nalang sa akin, mas mainam ‘yon.”

Hindi ko kaya pero gusto ko na. Una, para pagbigyan siya. Baka doon lang sya sasaya. At pangalawa, para din may maramdaman na ako kahit papano.

Ang sagwa di’ba? Lahat na yata ng masasakit na salita nasabi nya na, at lahat ng kagalit-galit na bagay nagawa nya na, pero hindi mo pa rin makuhang magalit. Dahil ano, dahil ba ayaw mo?

Sana nga, ayaw ko lang talaga. Pero hindi. Gusto ko na.

Pero wala nalang talaga akong maramdaman.

Ngayong gabi, habang tinitipa ko ang mga katagang ‘to, naisip ko baka eto na nga ‘yon – ginawa nya kong katulad nya.

Ginawa nya kong bato.

Kaya pala. Kahit ilang beses mong sugatan ang bato, ‘di naman ito iiyak. ‘Di naman ito magdurugo.

Tama nga sila. Mas delikado pala talaga ‘yon.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s