Faith

Sa pagbuo at pagbalik

Tay, patawad.

Patawad, dahil kasalanan ko. Kasalanan ko kung bakit ako nasaktan. Hindi kasi ako nakinig sa’Yo.

Mas pinakinggan ko ang puso ko kesa sa sinasabi Mo sa akin, matagal na:

“Anak, hindi ka para d’yan. Hindi ka sasaya d’yan.

Anak, maniwala ka. Maniwala ka dahil Ako, alam Ko. Alam Ko kung saan ka nararapat. Bago ka pa isilang sa mundong ‘to, alam Ko na kung saan ka liligaya.

At kung kanino ka nararapat.”

Parati kong sinasabi, “Tay, naniniwala po ako.” Pero alam kong alam Mo, Tay. Alam Mong matigas ang ulo ko. Alam Mong susuwayin kita. Alam Mong masasaktan ako.

Pero hinayaan Mo pa rin ako. Dahil isa Kang mapagbigay at mapagmahal na Ama.

Tama ka, Tay. Hindi rin naman ako naging masaya.

Totoo nga siguro, hahayaan Mong masaktan ako, para mauntog ako at malaman kong totoo talaga ang sinasabi Mo. Na hindi ako liligaya ‘don.

Na hindi ako liligaya sa kanya.

Pero dahil mapagmahal Ka, kahit kailan hindi mo sinabi sa akin, “Di’ba pinagsabihan na kita? Hindi ka nakikinig!” Hindi, Tay. Dahil mahal Mo akong tunay.

Mahal na mahal Mo akong tunay.

Tumakbo ako pabalik sa’Yo. Luhaan. Duguan. Ubos na ubos. Sabi ko, oo nga, Tay. Tama ka. Hindi dapat ako nakinig sa puso kong wala namang alam kundi kamunduhan.

Tumakbo ako pabalik sa’Yo at hindi Mo ako itinulak palayo – hindi katulad ng ibang tao, na kahit anong buhos ko ng pagmamahal, wala syang ginawa kundi itulak ako palayo.

Akala ko kasi, Tay, sasapat ang pagmamahal ko upang mabago ko siya. Pero naisip ko, hindi. Kahit kailan hinding hindi ko mapupunan ang kulang sa kanya.

Dahil sabi Mo, “Hindi ikaw, anak, ang magbabago sa kanya. Hindi ang pagmamahal mo.

Kung hindi ang pagmamahal Ko lang.

At hangga’t ‘di nya ito natatagpuan, hindi ka nya mamahalin ng tama.

Dahil Ako. Ako ang pagmamahal.

Ako ang lumikha ng pagmamahal.

At tanging pagmamahal Ko lang ang kayang bumago sa pagkatao nya, at punan ang kulang sa kanya.

Buo ka na, anak. Hindi mo kailangang hatiin pa ang sarili mo upang mabuo mo ang pagkatao ng sinuman.

Dahil ‘pag oras na, dadalhin Ko ang magmamahal sa’Yo sa iyong harapan – hindi kulang, kundi buo.

Hindi ka do’n sa kulang, anak. Hindi ka para sa kulang.”

Hindi Mo ako sinumbatan. Hindi, Tay. Niyakap Mo lang ako. Bukod doon, nagdala Ka ng mga taong walang ibang ibubuhos sa akin kundi pagmamahal – na galing sa’Yo.

Patawad, Tay. Kung nagpaka-kulang ako upang mabuo ang pagkatao niya.

Patawad kung hinayaan kong pakinggan ng sarili ko ang puso kong taksil kesa sa’Yo.

Pero salamat, Tay. Dahil sa pangako Mo:

“Tatayo ka, anak. At ngingiti kang muli. Magsisimula ka ulit maniwala at magmahal, ngunit bago ‘yon, hayaan mong ipakita Ko sa’yo ang tunay na pagmamahal.

Hayaan mong Ako muna, anak. Ako muna ang magmamahal sa’yo, upang malaman mo kung anong klaseng pagmamahal ang gusto Kong matanggap mo.

Lahat ng inubos nya, pupunan Kong muli.
Ang mga ngiting nawala ng dahil sa kanya, papalitan Ko rin.
At mangangako Ako, anak. Hindi ka na nya mapapaluhang muli.

Ako ang may gawa sa’yo, anak. At hindi para sa’yo ang pagmamahal na kulang. O sasapat lang.

Maniwala ka, anak. May taong magmamahal sa’yo ng buo.

Pero sa ngayon, hayaan mong buuuin Kitang muli.

Tay, salamat.

Dahil tumakbo man ako papalayo ng mahabang panahon, at mabulag sa klase ng pagmamahal na hindi Mo naman itinakda, lagi Mo akong hinihintay pabalik.

Hindi Ka nag-sasawang mahalin ako ng paulit-ulit.

Hindi Ka napapagod ipaalala sa akin na habang nakabitin Ka sa krus at hinihintay Mong malagutan Ka ng hininga, nasa isip Mo ako.

Minahal Mo ako sa paraang hindi kayang tumbasan ng kahit na sino.

At dahil dito, Tay, mapupuno akong muli.

Mapupuno ako ng buhay, ng sigla, ng ngiti, dahil alam ko, alam kong mahal Mo ako.

At dahil mahal Mo ako, tapos na ang kwento kong sinulat Mo. Naipanalo Mo na lahat ng laban at magiging laban Ko, doon palang sa sandaling bumangon Ka sa pagkakaratay mo sa libingan Mo.

Ipinanalo Mo ako, Tay.

At panghahawakan kong habambuhay ang sinabi Mo: Bubuuin Kitang muli.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s